THE HAGUE, Netherlands — Opisyal nang naghahanap ang International Criminal Court (ICC) ng mga interpreter na bihasa sa Filipino (Tagalog) at Cebuano (Bisaya) bilang bahagi ng paghahanda para sa nakatakdang paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Nobyembre 30, 2026.
Ayon sa mga job posting ng ICC, may dalawang posisyong binuksan: Paraprofessional Interpreter at Associate Court Interpreter. Kabilang sa kanilang mga tungkulin ang pagsasalin ng testimonya ng mga saksi, legal na pagdinig, at iba pang komunikasyon na may kaugnayan sa kaso.
Malaki rin ang nakatakdang kompensasyon para sa mga mapipiling aplikante.
Ang Paraprofessional Interpreter ay may minimum net annual salary na €55,665, katumbas ng humigit-kumulang ₱3.9 milyon hanggang ₱4 milyon kada taon. Samantala, ang Associate Court Interpreter ay may minimum net annual salary na €71,173, o mahigit ₱5 milyon kada taon.
Batay sa mga kwalipikasyong inilabas ng ICC, kinakailangang may mother-tongue proficiency sa Filipino (Tagalog) at/o Cebuano (Bisaya), mataas na kasanayan sa Ingles, at mas mainam kung may background sa interpretation, translation, linguistics, o law. Ang mga shortlisted candidates ay sasailalim muna sa aptitude test, interview, at intensive training bago ma-accredit para sa courtroom interpretation.
Ang mga mapipiling interpreter ay nakatakdang magtrabaho sa The Hague, Netherlands, kung saan matatagpuan ang punong himpilan ng ICC. Ang kontrata para sa mga posisyong ito ay hanggang Disyembre 31, 2026.
Bukas ang aplikasyon hanggang Hulyo 4, 2026. Ang mga interesadong aplikante ay maaaring mag-apply sa opisyal na careers portal ng ICC.
Ayon sa mga ulat, ang paghahanap ng Tagalog at Cebuano interpreters ay bahagi ng paghahanda ng ICC upang matiyak na mauunawaan ng mga Pilipino ang mahahalagang bahagi ng paglilitis, kabilang ang mga opening statements at testimonya ng mga saksi.
Topics: Politics
Tags
Politics